Thursday, April 29, 2010

ISANG TULA PARA SA MASA

ISANG TULA PARA SA MASA
Ang politika at politiko dito sa ating bansa ay isang institusyong nangangailangan ng masusing pagbabago hindi lamang sa bulok na sistemang nakakubkob dito kundi sa nakaririnding kasamaan na lumalaganap. Narito ang isang tula sa tagalog na tungkol sa mga pulitiko at sa politika ng bansang Pilipinas.
Ang orihinal na tula ay maging inspirasyon sana sa lahat upang magsalita at lumaban sa oras na pakiramdam natin ay tinatapakan tayo ng mga higanteng lider ng bansa.


MGA HAYOP SA PILIPINAS

Labing-apat na hayop, nagtumaas, nagtumayog,
Nagharing uri sa pedestal at bantayog,
Niyukuran, tiningala, sinamba't sinunod,
Yaman, kapangyarihan ang sa kanila’y bumusog.

Masang alipin ‘di na alam kung saan susuling,
Pumurol na ang tabak, natunaw sa libing.
Ang ganti sa hagupit ng hayop na kapiling
Mga piping hiyaw, mga luhang haling!

Tangả ang sisira sa kalawang na bakal,
Yuyurakan ka kahit na luhuran,
Timawang hayop sa gutom ay basal,
Walang pagkilala kay Bathala at dasal!

Sa hukom ng Hari doon ang higanti,
Pagsibol ng araw sa dilim ng gabi,
Mga hayop na busog at mga nakangisi,
Sa apoy ng impiyerno, hahantong sa huli!


Maraming lider ng bansa ang nagtamasa ng katakut-takot na yaman na ninakaw sa kaban ng bayan. Mga yaman ng bansang hindi napakinabangan ng nakararaming mga mahihirap. Ang masang Pilipino'y isang pulubing nakatanghod sa isang panginoong hindi marunong maawa. Hindi nakauunawa ng higit na kahulugan ng salitang pag-ibig.

Ipagwalang-bahala man ito ng mga nakapaligid, umaasa akong sa mga huling araw at sa araw ng paghuhukom ay haharap sila sa tunay na Panginoon na maraming daing at pagsisisi ngunit hindi NIYA sila pakikinggan.

Ang tulang tagalog na ito ay inihahandog sa mga Pilipinong pasan ang hirap ng buhay.

No comments:

Post a Comment